"Ikaw ang tangi naming yaman." — Iyan ang pinagkumpol-kumpol na katagang lagi kong napapakinggan galing sa aking inay at itay simula noong ako'y musmos pa lamang. Mga salitang wari ba'y niluma na ng panahon, sapagkat habang ako'y tumatanda ay tila nag-iiba na ang diwang dala nito ngayon. 

Nagsimula ito sa isang walang kamuwang-muwang na pagmamalaki, sapagkat ang buong akala ko lang dati ay ako'y kanilang ipinagmamalaki. Lubos ang nadama kong galak bilang isang anak. Kaya tanong ko lagi noon: Ako'y isang anak na iniluwal, ipinagdasal, at bakit kaya ako'y lubos na pinagpala ng pagmamahal? 

Maluwag ang aking puso noon sa tuwing  ako'y naglalakad 'tungo sa paaralan, hindi dahil sa aking pagkain o baon, kundi ay dahil sa payo nilang ipinapabaon. Alalang-alala ko pa ang higpit ng pagkakabalot ng mga palad ni inay at itay sa aking kamay, na tila nagpapahiwatig kung gaano nila binibigyang halaga ang bugtong nilang yaman.

Magmula noon at hanggang sa pagtakbo ng panahon, sila na nga ang lagi kong kakampi sa lahat, lalo na pagdating sa usaping  pangarap. Sa tuwing ako'y napanghihinaan ng loob at nakakaramdam ng pagod, mga payo nila ang nagsisilbi kong pahinga. 

"Libre ang mangarap anak!" Ito ang isa sa mga tugon nilang aking pinanghuhugutan. Ipinangako kong kahit saan man ako dalhin at maging gaano man kabigat ang aking pasanin, ay isasaisip ko lagi ang kanilang bilin.

Hindi naging isang matuwid na landas ang aking dinaanan. Ngunit matapos kong magawang tumawid sa lahat ng naging balakid ay nasungkit ko na nga ang tagumpay. Nakapagtapos ako ng pag-aaral, nakahanap ng disenteng hanap-buhay, at kalaunan ay nakapagbigay din ng para kay inay at itay. 

'Di naglaon ay nagbago ang direksyon ng hangin. Hindi ko inakalang darating sa puntong hindi na ako makakapagpahinga dahil sa kanilang kahilingan. Hindi ko akalaing ang pagbabalik-tanaw ay katumbas pala ng walang katapusang  pagbabayad ng utang. At mas lalo kong hindi inasam na hindi pala ako mahalaga kung wala akong halagang mapagkakaloob.   

Isang masaklap nga na reyalidad na kung gaano kaluwag ang aking puso noon sa paglalakad tungo sa paaralan, ay ganoon na rin kabigat ang aking kalooban ngayon sa tuwing umuuwi sa aming tahanan. Kung noon nga ay ang mga kamay ko lang ang nakakadama ng higpit ng pagbalot ng mga palad nila, ngayon ay buong kapalaran ko na ang binabalot sa mahigpit nilang sistema. At kung sa nagdaan ay ipinangako nilang libre ang mangarap, bakit sa kasalukuyan ay sinisingil nila ako? 

May katwiran ba ang bilin nila sa aking "Ikaw ang tangi naming yaman," o sa kanila ay nagsisilbi lang akong kasangkapan sa pagtikim ng mga kayamanan? 

Kaya ang tanong ko na ngayon: Ako'y isang anak. Iniluwal, ipinagdasal, subalit bakit ako'y sakal na sakal?

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!