(Graphics by Josabelle Conejos)
Kung ikaw ay isa sa milyun-milyong Pilipinong aktibo sa social media, tiyak na nakakita ka na ng mga tula at maikling kwentong ibinahagi sa Facebook. Karamihan sa mga ito ay nakasulat sa Ingles, ngunit marami rin ang gumagamit ng Filipino at iba pang wikang katutubo. Patunay ito na kahit sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong mahilig magbasa, ayon sa isang survey, mayroong pa ring pag-asa para sa panitikang Filipino. Bilang pagtatapos ng Buwan ng Wika, ating kilalanin ang ilang manunulat na nagbigay-inspirasyon sa larangan ng panitikang Pilipino at siyang malaking impluwensya sa mga makata at manunulat ng mga susunod na henerasyon.
1. Lualhati Bautista (1945-2023)
Ipinanganak sa Tondo, Maynila, si Lualhati Bautista ay isang kilalang nobelista at maikling kuwentista. Bukod dito, siya rin ay isang manunulat ng mga screenplay. Kinilala si Bautista sa kanyang mga akda na tumatalakay sa buhay at karanasan ng mga kababaihan. Isa sa kanyang pinakatanyag na nobela ay ang Dekada '70 na naglalarawan sa panahon ng Martial Law. Kabilang sa kanyang iba pang mga obra ang ‘Sakada,' 'Bata, Bata... Pa'no ka Ginawa?', 'Bulaklak sa City Jail,' at 'Desaparesidos.' Dahil sa kanyang mga kontribusyon sa panitikan, nakatanggap siya ng limang Carlos Palanca Awards at iba pang parangal mula sa Metro Manila Film Festival, Film Academy Awards, at Ateneo Library of Women's Writings. Binawian ng buhay ang manunulat sa edad na 77 matapos ang matagalang pakikipaglaban sa sakit na kanser.
2. Jerry B. Grácio
Si Jerry B. Grácio ay isang Waray na manunulat at makata mula sa Mondragon, Northern Samar. Nakatanggap siya ng apat na Carlos Palanca Award at ilan pang mga pagkilala gaya ng Gawad Likhaan: The University of the Philippines Centennial Prize for Literature at 2015 Southeast Asia (SEAWrite) Award. Matatandaan si Grácio bilang isang masugid na kritiko sa administrasyong Duterte. Nagbitiw siya sa kanyang pwesto bilang Komisyoner ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa kadahilanang ayaw niya maglingkod sa administrasyong hindi makatao. Si Jerry Grácio ay aktibo sa social media kung saan makikita ang kanyang mga political criticisms at pananaw ukol sa publishing at literary field ng Pilipinas. Ilan sa kanyang mga obra ay: Magdamag (2010), Muli (2009), Isda (2002), at Sinaunang Pag-ibig sa Apoy (2002).
3. Bob Ong
Bob Ong ay ang sagisag-panulat ng isang misteryosong manunulat na kilala sa kanyang natatanging istilo ng pagsulat. Pinaghalo niya ang katatawanan at pagpuna sa kanyang mga akda na sumasalamin sa buhay ng mga Pilipino. Nagsimula ang lahat nang likhain niya ang website na Bobong Pinoy, kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga nakakatawang obserbasyon. Kinilala ito bilang People's Choice Philippine Web Award for Weird or Humor noong 1998. Ngunit isinara ang website matapos ang EDSA People Power II. Ilan sa kanyang mga kilalang akda ay ang ABNKKBSNPLAko?, Alamat ng Gubat, Si, at Ang mga Kaibigan ni Mama Susan. Hanggang ngayon, nananatiling misteryoso ang tunay na pagkakakilanlan ni Bob Ong. Ang tanging alam natin ay mula siya sa Quezon City, hindi nakatapos ng kolehiyo, at isang lalaki.
4. Severino Reyes (1861-1942)
Tinaguriang 'Ama ng Dulang Tagalog' at 'Ama ng Sarsuelang Tagalog,' si Severino Reyes ay isa sa mga pinaka-maimpluwensyang manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Ipinanganak siya sa Santa Cruz, Maynila noong panahon ng mga Kastila. Isa siya sa mga nagtatag ng magasin na Liwayway noong 1922 kung saan ginamit niya ang sagisag-panulat na Lola Basyang upang magsulat ng mga kuwentong pambata. Sa kabuuan, nakapaglathala si Reyes ng 26 na sarswela at 22 na dula. Kabilang sa kanyang mga obra maestra ay ‘Ang Mga Kwento ni Lola Basyang’, 'Walang Sugat,' 'R.I.P. (Requiescat in Pace),' 'Ang Halik ni Hudas,' at 'Puso ng Isang Pilipina.’
5. Peter Solis Nery
Si Peter Solis Nery, isang makata, manunulat, at filmmaker na nagmula sa Dumangas, Iloilo, ay kilala sa kanyang malawak na kaalaman sa iba't ibang wika tulad ng Ingles, Filipino, at Hiligaynon. Dahil sa kanyang natitirang mga akda sa Hiligaynon, kinilala siya bilang Hall of Famer sa prestihiyosong Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Itinatag niya ang kanyang sariling publishing company at inilathala ang mga aklat na A Loneliness Greater than Love at Fantasia, na parehong pinarangalan ng Palanca Awards. Noong 2003, inilunsad niya ang magasin na Pierre. Upang higit pang maitaguyod ang literaturang Hiligaynon at Filipino, itinatag niya ang The Peter Solis Nery Foundation for Hiligaynon Literature and the Arts, Inc. matapos maging Hall of Famer ng Palanca Awards. Si Nery ang kauna-unahang Pilipino na naimbitahan sa Sharjah International Book Fair noong 2015. Bago niya lubusang naialay ang kanyang sarili sa sining, nagtrabaho siya bilang isang orthopedic nurse sa loob ng pitong taon. Sa kasalukuyan, naninirahan siya sa Reisterstown, Maryland.
Ito ay iilan lamang sa mga Pilipinong manunulat na nagpayaman at patuloy na nagtataguyod ng Panitikang Filipino gamit ang wikang pambansa. Sa pagtatapos ng buwan ng Agosto, naayon lamang na mas lalo pa nating pausbongin at pagandahin ang estado ng paggamit ng wikang pambansa upang ipakita ang husay at galing ng plumang dakila at para sa Pilipinas.