Isinabatas ng Pilipinas ang Republic Act 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 na nagtatanggal sa direktang kontrol ng pamahalaan sa presyo, importasyon, at distribusyon ng produktong petrolyo sa Pilipinas.
Layunin ng batas na palawakin ang kompetesyon sa industriya ng langis na siyang magpapababa ng presyo ng mga produkto nito.
Kapag maraming kumpanya ang pwedeng magbenta ng langis, magkakaroon ng kompetisyon. Kapag may kompetisyon, bababa ang presyo. Panalo dapat ang mamamayan.
𝗡𝗴𝘂𝗻𝗶𝘁, 𝗯𝗮𝗸𝗶𝘁 𝗱𝗲𝗵𝗮𝗱𝗼 𝗽𝗮 𝗿𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼?
Tatlong dekada matapos ipatupad ang batas, nananatili pa rin ang patuloy na pagtaas ng lokal na presyo ng krudo.
Una, dominado pa rin ng mga Hari ng Krudo ang Industriya. Dumarami man ang mga nagbebenta ng langis, nananatili ang paghahari ng mga higanteng kompanya tulad ng Petron, Shell, at Chevron, dahil sa kanilang kontrol sa produksyon at malakas na impluwensya sa merkado.
Diretso sa atin ang epekto ng pandaigdigang krisis. Kapag may giyera o kaguluhan sa mga bansang nag-eexport ng langis, tumataas ang presyo ng krudo sa mundo. Dahil deregulated, walang pumipigil sa Hari ng Krudo na itaas ang presyo nang todo.
Sa ilalim ng deregulasyon, nagkakaroon sila ng kapangyarihan na diktahan ang presyo ayon sa kanilang kita. Sa madaling salita, ang presyo ng langis ay hindi lamang nakasalalay sa pandaigdigang merkado, kundi nasa kamay ng mga hari ng krudo.
Lahat nagmamahal, hindi lang ang gasolina. Ang langis ang dugo ng ekonomiya. Kapag tinaasan ng Hari ng Krudo ang presyo:
-
Tumataas ang pamasahe.
-
Nagmamahal ang pagkain.
-
Lumolobo ang gastos sa araw-araw na pamumuhay.
Paano kung may Regulasyon?
Taong 1984, sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr., nilikha ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) sa pamamagitan ng Letter of Instructions No. 1431.
Layunin nito ang sumalo aa biglaang pagtaas ng presyo ng langis para hindi agad maramdaman ng mamamayan ang epekto ng pandaigdigang krisis.
Sa ilalim ng OPSF:
-
Kinokontrol ng gobyerno ang presyo ng langis
-
Kapag tumaas ang presyo sa mundo, ginagamit ang pondo para bayaran ang oil companies ng pagkakaiba
-
Ang pondo ay galing sa buwis at dagdag na singil sa petrolyo
Ngunit, binuwag ito sa tatlong dahilan na hindi naaayon sa maayos na paggamit ng naturang pondo:
-
Lubog sa Utang ang Pondo
-
Nabayaran ng Mahihirap ang Subsidya para sa Mayayaman
-
Ginamit ang Pondo sa Hindi Kaugnay na Proyekto.
Ayon sa state think tank na Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang OPSF ay "fiscally unsustainable at administratively problematic" — ibig sabihin, hindi kaya ng gobyerno panindigan nang matagal, at puno ng problema sa pamamahala.
Kung Ganun, Bakit Ngayon ay Masakit Pa Rin ang Presyo?
Ang mahalagang pagkakaiba: noon, gobyerno ang sumasalo ng sakit ng mataas na presyo — ibig sabihin, lahat ng nagbabayad ng buwis (kabilang ang mahihirap na hindi naman gumagamit ng maraming gasolina) ang tumataguyod sa mababang presyo para sa mga may sasakyan.
Ngayon, sa ilalim ng deregulasyon, direktang nararamdaman ng mamimili ang pagtaas ng presyo sa mundo. Walang buffer, mabagal na subsidiya — kaya ramdam na ramdam ang bawat galaw ng global market.
Sa dereguladong industriya, may magagawa ba ang gobyerno?
Sa ilalim ng deregulasyon, limitado ang kapangyarihan ng gobyerno. Hindi nito puwedeng utusan ang Hari ng Krudo na magbaba ng presyo. Kahit si Energy Secretary Sharon Garin ay aminado rito.
"DOE does not have teeth because of the law," sabi ni Garin sa isang pagdinig sa Kongreso . Ibig sabihin, ang Department of Energy ay walang tunay na kapangyarihan upang patawan ng parusa o kontrolin ang mga kumpanya ng langis.
Ang kasalukuyang magagawa ng gobyerno:
-
Bantayan ang presyo at supply.
-
Magsiyasat kung may kartel (sabwatan ng mga hari ng krudo).
-
Magbigay ng subsidiya sa mga drayber at magsasaka.
Halimbawa: Kamakailan, sinuspinde ng gobyerno ang excise tax sa gasolina para pansamantalang bumaba ang presyo. Pero panandalian lang ito.
Ano nga ba ang dapat gawin?
Si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay naghain rin ng Philippine Strategic Petroleum Reserve Act — isang panukalang lumikha ng state-managed petroleum stockpile na katumbas ng hindi bababa sa 90 araw na suplay ng langis. Layunin nitong protektahan ang bansa sa anumang biglaang pagkagambala sa pandaigdigang merkado.
"Basta anything na makakaginhawa sa mga Filipino, 'yun dapat ang kilos ng gobyerno, hindi para sa kaginhawaan ng negosyante," sabi ni Sotto.
Paano na tayo, mga Pilipino?
Pasan na naman ng taong bayan ang resulta ng mga maling batas at kapalpakan sa pamamahala. Sa halip na magsilbing sandigan, ang mga polisiyang dapat sana’y nagpoprotekta sa mamamayan ang nagiging dahilan sa kahirapan.
Muli, ang karaniwang Pilipino ang naiiwan sa gitna ng krisis—walang sapat na proteksiyon, walang malinaw na kalinga, at walang kasiguruhan kung paano haharapin ang patuloy na pagtaas ng gastusin.
Ang mga Hari ng Krudo at Petrolyo, sa bawat litro ay panalo—sa ordinaryong Pilipino, bawat piso ay luha at dugo.