Sa tuwing nakikita ang pulang kulay ng watawat
Sumisilip sa lumuluhang mata ang mga ala-alang kaakibat
Nanatiling nakatitig sa kawalan
Malayo ang tingin sa nagniningning na kalawakan
Paano nga ba natin nakamit ang kalayaan? Sabi niya
Kumuha ng panulat at blangkong papel
May diin ang bawat letrang iminarka
May buntong hininga sa bawat espasyo ng mga salita
Gigil na nilukot ang mga di tapos na burador
Laman ng pahina ang bawat linya ng mapait na katotohanan
Hindi makahalubilo sa mga intelehente at marangyang tao
Walang bakas nang edukasyon ang buhay
Nang siya ay mamatay umusbong ang digmaan
Bayani ka, oh ikaw na Rizal ang pangalan
Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan
Determinadong pinunit ang sedulang tanda nang simula
Bumubulusok na bala at tumataginting na espada
Naririnig ang nagtatakbuhang daga sa dibdib
Nanglilisik ang mga matang tumititig
Mahigpit at buo ang lakas sa hawak na sandata
Rumaragasa ang mabilis na takbo nang dugo sa kalamnan
Hanggang sa huling hininga at mulat nang mata,
Lupang sinilangan ipaglalaban ka