Ano nga ba ang pinagbabatayan para masabing ang isa’y mayaman? Siguro masasabing sobra kung higit pa ito kumpara sa pinagkakagastusan. Sapat naman kung ito’y sakto sa pang-araw-araw na gastusin. Kulang kung kahit ang mga pangunahing pangangailangan ay hirap pang gastusan.

Sinubukan kong suriin kung saan ba napapabilang ang aming pamilya. Sa palagay ko naman pasok kami sa “sapat.” May stable income ang mga magulang ko, nakakakain kami ng tatlong beses sa isang araw, nakatira sa komportableng bahay, at may panggastos sa pang-araw-araw. Kahit papaano, kaya rin naming makipagsabayan sa dagdag na gastos ng online learning.

Maraming pamilya ang nalagay sa “kulang” mula nang magsimula ang pandemya. Maraming negosyong nagsara at mas maraming nawalan ng hanapbuhay.

Higit kalahating taon na ang lumipas noong naitala ang unang kaso ng virus. Hindi ito sineryoso ng karamihan dahil sa pag-aakalang hindi ito kakalat at aabot sa mga probinsya. Ngunit sa nagdaang mga buwan, lalo lamang itong lumala at umabot pa kahit sa mga liblib na lugar. Ngayong malapit na matapos ang 2020, hindi pa matukoy kung kailan din nga ba matatapos itong kinakaharap na suliranin.

Maswerte ang aking pamilya. Sa kabila ng pandemya, tuloy pa rin ang buwanang sahod ng mga magulang ko. Paano naman kaya ang ibang pamilya?

Ayon sa Social Weather Stations (SWS), umabot sa bilang na 27.3 milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay ngayong taon at patuloy pa itong tumataas araw-araw.

Ipagpalagay nating ang 27.3 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho ay may mga anak na pinag-aaral. Paano makikipagsabayan sa bagong sistema ng edukasyon ang mga bata kung alam nilang walang trabaho ang kanilang magulang habang hirap pang maghanap ng uulamin?

Mas madaling nakukuha ng mayayaman ang mga bagay na karapatang matamasa ng lahat bilang tao. Sa mundong mas matimbang ang halaga ng salapi kumpara sa karapatan at pangangailangan — saan lulugar ang mahihirap na minsa’y tinatanggalan na nga ng karapatan, lubos pang nangangailangan?

Klasikong halimbawa rito ang eksena sa ospital. Karaniwang VIP ang turing sa mga pasyenteng may kaya o mukhang may kaya samantalang silang mga salat at hirap ay napag-iiwanan. Di bale na lamang kung sino ang nauna. Ganito kapait ang katotohanan sa bansa nating tinaguriang mapagmahal sa kapwa.

Sana’y buksan natin ang puso at isipan sa tunay na kalagayan ng mga Pilipinong manggagawang pilit na nagsusumikap maitaguyod ang kani-kanilang pamilya. Hindi sila “kulang sa diskarte” o “mga pasaway na namamasyal lang sa labas—” ang iba’y may mga anak na kailangang pag-aralin at mga bibig na kailangang pakainin.

Mahirap umasa na lamang sa gobyerno o sa kahit sino ang sariling kabuhayan. Kahit na pangakuan pa nila ang mga tao ng maginhawang buhay, hindi pa rin masisiguro na kabilang ang isa sa mapagkalooban ng magandang hanapbuhay. Ngayong pandemya na lalong nalugmok ang Pilipinas sa kahirapan, kailangang mas lalong pagbutihan ng gobyerno at lokal na pamahalaang paglingkuran ang publiko. Kung maaari, sana’y mas dumami pa ang mga mas may kayang handang tumulong sa mga Pilipinong naghihirap.

Ang bansa ay ang mamamayan nito. Naniniwala akong mas mapapabilis ang pagbangon ng Pilipinas kung parehong kikilos at hangad ng mayaman at mahirap ang magandang pamumuhay para sa bawat isa.


Edited by Lois Mauri Anne L. Liwanag

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!