Isang linggo nang lumipas mula noong nagsuspinde ng klase dahil sa banta ng COVID-19. Pitong araw na rin akong nakakulong sa bahay para maiwasang mahawaan o makahawa. Huwag naman sana… pero malay natin, di ba? Hindi pa naman umaabot ang test kit dito na magpapatunay na COVID-free ako, kaya para ligtas— self-quarantine na muna.
Sa pitong araw na pag-iikot-ikot ko rito sa bahay gaya ng payo ni Pangulong Duterte, nakakadismayang isipin na wala ng sulok nito ang hindi ko pa napupuntahan. Pero at least, nakapagnilay-nilay naman ako sa mga nangyari nitong mga nakaraang araw.
Day 1: Class suspension
Yung totoo, sino bang estudyante ang hindi natutuwa sa class suspension? Marahil mayroon man, pero kung ako ang tatanungin, 50-50 ang naramdaman ko dito. Nakakalungkot isipin na ang bawat suspensyon, isang araw na pagka-delay sa graduation. Nakakatuwa rin naman, dahil sa wakas, malalaman ko na kung paano mapaparaanan nina Captain Ri at Se-ri ang masalimuot nilang love story.
Marami-rami din namang nagpahayag ng kasiyahan nila sa social media. Sa kabila ng lahat ng katuwaan, napaisip pa rin ako. Paano yung mga na-stranded sa VSU? Paano yung mga hindi nakauwing hindi sakop ng unibersidad? Paano naman ang mga manggagawang suspended din ang sweldo kapag suspended ang klase? Ano na kayang mangyayari sa midterm exams namin?
Day 2: Boredom
Magdadalawang araw pa lang na walang klase, pero parang di pa rin ako makapaniwala sa nangyayaring nakaabot sa munting isla ang nagsimula lamang na first world problem. Siyempre, tayong mga Pilipino, ayaw nating tumuon sa mabibigat na problema kaya mapapanood sa Facebook at Twitter ang sunod-sunod na TikTok videos na may hashtag na #yesidothecooking #yesidothecleaning #selfquarantinechallenge.
Sa Instagram stories, sumasalamin ang longing for belongingness and social interaction ng mga tao sa pagkahumaling sa BINGO na tungkol sa pagiging miyembro ng isang university, community, o kahit anong ethnicity (gets ko na kung bakit naadik dito ang senior netizens o ang titas of Manila).
Heto tayo ngayon, umaangal dahil walang magawa sa bahay. Paano kaya yung mga frontliner na hindi makaangal para masalba ang buhay ng iba?
Day 3: COVID-19 special reports
Marami pang tanong ang sumagi sa isip ko. Nakadagdag pa siguro dito ang mga balitang napapanood sa TV at nababasa sa social media tungkol sa nasabing pandemikong sakit. Aaminin kong natakot din ako at nangamba. Bukod sa banta sa pisikal na kalusugan, mas lalo akong natakot sa permanenteng epekto nito sa puso at isip ng mga taong nakakabasa.
Fake news, baseless assumptions, incompetent governance, and food/medical supply hoarding— imbis na maging makatwiran, maaasahan, at mapagbigay, naimpluwensiyahan ang lahat maghinala, mataranta, matakot, at maging makasarili. Ano kayang mensahe ang maiiwan sa kabataan ngayon kapag sila naman ang haharap sa oras ng banta ng krisis?
Day 4: Replenishing food supply
Marami rin akong naisip noong kinailangan na naming lumabas sa unang pagkakataon para mamili ng pagkain. Tahimik man sa mga tindahang kadalasang puno ng mga taong abala, marami pa rin akong nakuha sa mga taong naabutan ko– na nagpaliwanag tungkol sa sitwasyon ng bawat Pilipino.
Isang tatay na matagal na nakatulala kakaisip kung anong sardinas ang bibilhin, nanay na hindi matapos-tapos ang pagkuwenta para mapagkasya ang hawak na pera, at of course, ang magjowang nagtatalo kung Pancit Canton ba o cup noodles ang kukunin nila— alinman ang magiging desisyon nila, sumalamin ang mga nakita ko sa kasalukuyang sitwasyon ng marami sa ating mga Pilipino.
Hindi sa wala nga pala akong jowa, pero muli na naman akong nagtaka. Kung mayroon mang kasiguraduhan ang bukas, makalawa, o susunod na linggo ang iilan, paano pa kaya ang ibang namumuhay ng isang kahig, isang tuka?
Day 5: Feeding spiritual hunger
Matagal na rin mula noong huli akong nagsimba dahil sa payong huwag munang dumalo sa social gatherings. Gayunman, nabigyan naman kaming pamilya ng pagkakataong magrosaryo sa bahay nang sabay-sabay. Madalas kong makita sa timeline ko ang mga post na nanghihikayat magdasal lalo na ngayong panahon ng krisis.
Napaisip ako— ano kayang mga bagay ang lumalabas sa bibig matapos nilang sabihin ang huling “amen” ng dasal? Ano kayang mga kilos ang pinapakita matapos gawin ang mga nakaugaliang ritwal?
Day 6: Extended suspension
Isa na namang anunsyo ang gumulat sa akin. Madadagdagan pa pala ng 30 days ang pag-iikot-ikot ko sa bahay, o di ba #travelgoals? Ayon pa nga sa pagsusuri ng Rappler, maaari pa itong tumagal hanggang June o October dahil nasa simula pa lang ang Pilipinas ng public health crisis.
Magkakasya kaya ang sweldo ng mga manggagawa pang-quarantine? Paano na ang Holy Week? Patuloy pa kaya ang suporta ng gobyerno? Magpapakita na kaya ang mga nawawalang politiko? May finals pa kaya tayo?
Day 7: Privilege checking
Maraming nagkukumpara sa mga pribilehiyo ng mayayaman at mahihirap. Swerte raw ang mayayaman dahil nakakaimbak ng pagkain? Swerte raw ang mahihirap dahil sanay na silang kakarampot o walang makain?
Sa sitwasayong kinakaharap natin, napakadaling magbigay ng label sa kung sino ang mabuti at masama, matalino at mangmang, o sinuwerte at minalas. Para sa day 7, minabuti kong magbahagi ng isang excerpt mula sa Desiderata (1927) ni Max Ehrmann:
“Avoid loud and aggressive persons; they are vexatious to the spirit. If you compare yourself with others, you may become vain or bitter, for always there will be greater and lesser persons than yourself.”
This world does not favor everyone as much as it favors you. Kaya kung wala kang gagawin o sasabihing mabuti, nandiyan naman ang Tiktok.