Photo by: Kyle Venturillo

Daghang salamat sinimulan mo itong basahin. Marahil napapindot ka sa link dahil:

isa ka sa mga nais magsalita,
isa ka sa mga ayaw na lang magsalita,
isa ka sa mga walang magawa at nakahilata.

Kung sino ka man diyan, magandang basahin muna ang artikulong ito bago mag-react.

Sa panahon ngayong may banta sa malayang pamamahayag, pinapatahimik ang mga pumupuna sa pamahalaan, at pinapahiya ang mga malay sa lipunan— bakit ba natin kailangang makisangkot sa politika?

Magsalita bilang mamamayang Pilipino.

Simulan natin sa pagiging Pilipino. Kasabay ng pagsilang sayo sa lupaing ito, ang pagiging mamamayan ng bayang ito. Kung may responsibilidad tayong sumunod sa batas at magbayad ng buwis bilang mamamayan, may responsibilidad din ang gobyernong protektahan ang kapakanan ng kanyang nasasakupan. Kung nabigo tayong gawin ito bilang mamamayan, may mga karampatang kaparusahan. Ngunit, kung nabigo ang pamahalaang gawin ang responsibilidad nito, pipiliin na lamang bang manahimik ukol dito? Pero paano magsisimula ang pag-unawa, artikulasyon, at kalaunang pagbatikos na ito?

Magsalita bilang isang estudyante.

Papasok dito ang pagiging isang mag-aaral. Sa paaralan natin nauunawan ang mga puwersa at kapangyarihang nananaig sa lipunan. Sa proseso ng pag-unawang ito, unti-unting malalantad ang mga suliranin, kakulangan, kahinaan, at pagkakamali sa mga puwersa at kapangyarihang ito. Tinutulungan tayo ng paaralan paanong magsalita at pumuna bilang bahagi ito ng pag-unlad ng isang lipunan.

Sa paaralan nauunawaan ang kamalayang nagpapahintulot sa ating malaman kung may nangyayari na bang labag sa katarungan. Dito natin natututunan masabi ang mga bagay na gusto nating sabihin at ipaglaban. Kung nakikita mong ang mismong makakapangyarihang institusyon katulad ng gobyerno ang nagiging kinatawan ng diskriminasyon at kawalang-hustisya, dapat ka bang manahimik sa mga nakikitang suliranin, kakulangan, kahinaan, at pagkakamaling ito?

Noong naging estudyante ka, isinuko mo na rin ba ang pagiging Pilipino?

Sa eskwelahan tayo nag-aaral ng mga kasanayang mag-aambag sa kaunlaran ng lipunan. Tinitiis natin ang mahahabang pila sa enrollment para lang makuha ang units na kailangan natin. Napupuyat tayo kakaaral sa mga formula at terms na kakailanganin natin sa ating kurso. Napapagod ang utak natin kakadiskurso at kakapasa ng mga panapos na papel sa mga kaganapang nangyayari sa ating bayan. Kung nakikita mong ang mismong gobyerno ang hindi sumusuporta sa kaunlarang minimithi mo sanang makamit, hindi ka ba dapat magsalita?

Para saan pa ang mga pinag-aralan?

Pagkatapos nating maging estudyante, mararamdaman ang kaganapan ng pagiging isang mamamayan ng bansa kung saan kailangang magtrabaho at magbayad ng buwis. Matitiis mo bang hindi magsalita kung hinahanapan ka ng “karanasan” ng mga himpilan, e kaka-graduate mo pa lang? Matitiis mo bang hindi magsalita kung sa oras na matanggap ka na, humigit-kumulang 30% ang nababawas sa sweldo para sa mga proyektong lumulutang at mga di-kwalipikadong opisyal? Matitiis mo bang hindi magsalita kung alam mong napakaraming importanteng bagay ang kailangang pagtuunan kesa sa mga pansariling politikal na hangarin ng mga opisyal? Paano matitiis na manahimik kung nakikita mong karamihan sa mga Pilipino ang patuloy na nagugutom at nagdudusa?

Siguro matitiis mo ang pananahimik kung nung estudyante ka pa lang ay pinili mo nang hindi magsalita.

Marahil itinuturing na developed countries o mga umuunlad na bansa ang mga Kanluranin dahil hindi nila kailanman piniling manahimik sa oras na makakita o makaranas ng diskriminasyon at kawalang-katarungan. Masisi kaya natin sa kulturang “kanya-kanya,” “kami-kami,” o “tayo-tayo” ng mga Pilipino? Masisi kaya natin sa kulturang non-confrontational kung kaya pinipili nating magtiis, manahimik, daanin na lamang sa biro ang lahat? Hanggang kailan pipiliin o dadaanin na lamang sa Tiktok o panonood ng K-drama ang “pagtakas” at “pananahimik” na ito? Kung sa bagay, hindi kataka-takang magtagal pa ang mga “pagtakas” na ito, dahil nagawa na nating manahimik noon sa loob ng tatlong daang taon sa ilalim ng mga sinaunang dayuhang mananakop.

The ingredients of political activism are harvested through education. Without it, people will never learn to use it against officials whose hunger for greed and injustice is never satiated.

Kung pipiliin mong magsalita, siguro’y nasundan mo ang mga sinimulang yapak ng mga ilustradong Jose Rizal at Antonio Luna— ang ilan sa mga sinaunang naliwanagang mag-aaral na nakisangkot sa politika. Kung mananatili kang tahimik sa kabila ng iyong mga pinag-aralan, ano ang pinagkaiba mo sa mga indio na nagtiis at hindi na nagsalita habang minamaltrato ng mga Kastila?

Ang katahimikan natin ang kumakatawan sa ating pansariling interes. Ayaw mong magsalita dahil pinoprotektahan mo ang pamilya mo? Dahil mapayapa at komportable na ang buhay mo? Hindi mo man lang ba naisip na ang kabayaran ng katahimakan mo ay ang kinabukasan ng mga anak mo?

The true villains of society are those who are not for the people and those who are silencing them.

Bakit hindi natin dapat hayaan ang politika sa mga politiko? Dahil malay man o hindi lubusang malay, maaari silang maging ahente ng kawalang-hustisya sa lipunan. Hindi natatapos sa pagboto at pagluklok sa mga opisyal ang responsibilidad natin bilang mamamayan.

Ang mga mapang-api sa lipunan ngayon ay hindi na mga Kastila, pero ang mismong kapwa Pilipinong abusado sa kapangyarihan at binubusalan ang mga bibig ng nasasakupan. Hindi na pwedeng isisi ang kawalang-hustisya sa kolonyalismo dahil ang problema ay TAYO NA MISMO.

 

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!