Minsan, nang bumili ako sa tindahan ng dalawang kilong bigas, nagulat ako dahil siningil ako ng tindera ng dagdag na walong piso dahil kulang daw ang isang daan na aking inabot. Ang nakasanayan ko kasing apatnapu’t tatlo, nang tanungin ko siya kung magkano ang presyo, ang sagot niya'y, "limamput apat na".

Nakakapanghina, pero wala na tayong magagawa, dahil sa panahon ngayon, nagiging realidad na ito dahil nasa Golden... Golden Prices na nga tayo. Kaya sa tuwing bibili ako ng bigas, hindi mawawaglit sa aking isipan ang isang beses na may nagsabi na ibababa niya ang presyo ng kada kilo ng bigas, at naitatanong ko na lang sa sarili ko, nasaan na ang pangakong bente pesos kada kilo?

Napako nga ba?

        Kung natatandaan nyo, bago mag eleksyon, nangako si Pangulong Bongbong Marcos na pabababain niya ang presyo ng bigas sa halagang bente (20) pesos kada kilo na siya namang pinaniwalaan at kinapitan ng karamihan sa mga bumoto dito. Ngunit, itong pangako, wala naman palang kongkretong plano.

Kahit nga si mismong Agriculture Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations, Mercidita Sombilla, nang tinanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kung posible ba ang bente pesos kada kilo ng bigas sa loob ng susunod na dalawang taon sa pagdinig ng Kamara para sa budget ng Department of Agriculture (DA) sa 2024 noong Agosto 22, 2023, ay nag atubili sa pagsagot, at sa halip, sumagot lamang ng "Next two years? (Sa susunod na dalawang taon?)  Baka mahirap po."

Inamin naman ni DA Undersecretary for Rice Industry Development, Leocadio Sebastian, na hindi pa raw nila napag-uusapan ng Presidente ang planong bente pesos sa isang kilo ng bigas. At ngayong ang presidente na mismo ang naitalangang DA Secretary, mas nakakadismaya na imbis na bente pesos, na doble, o tru-miple pa nga ang presyo ng bigas kada kilo na naglalaro na sa 50 hanggang 60 pesos.

Binigo na tayo sa kanyang unang pangako, na kung tawagin niya sa kasalukuyan ay isang “aspirasyon” na lamang. Sa kanyang hakbang na kontrolin ang tumataas na presyo ng bigas sa pamamagitan ng Executive Order 39, madidismaya na naman ba ulit tayo?

Price CAP-akipakinabang ba?

        Noong Agosto 31, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 39., kung saan ay pinag uutos nito ang price ceiling o price cap sa bigas. P41 para sa regular milled rice at P45 kada kilo naman para sa well-milled rice, ngunit hindi kasama rito ang premium at espesyal na bigas, na dapat sundin ng mga nagbebenta. Ito ay naging epektibo noong Setyembre 5 at ito’y maaalis lamang ng presidente depende kapag bumaba na ang presyo ng bigas.

Inaprubahan ito para matiyak ang makatwirang presyo at madaling makuha ng mga Pilipino ang bigas sa gitna ng nakaka-alarmang pagtaas ng presyo nito sa merkado. Hindi ba ito isang padalos dalos lang na desisyon? O ito ba ay ginawa upang pagtakpan at maisantabi sa isipan ng madla ang kanyang pangako noong eleksyon na hindi natupad at sa palagay ko ay hinding hindi na matutupad pa.

Sa pagkakataon bang ito, sa EO na inaprubahan niya, ito ba ay napag-aralan ng mabuti bago inimplementa? Naiintindihan ba nila na sa kanilang pagsusugal, i-kinalulugi ito ng taumbayan?

Sa kabilang banda, iniisip daw ni Marcos ang kapakanan ng mga mamimili, at kung iisipin, batay sa pinag aralan namin sa Ekonomiks, may halaga naman ang price cap o price ceiling, pero panandalian lang at kung hindi naaayon ang pagpapatupad, mas angat ang negatibong epekto nito. Mistulay puro panandaliang remedyo lamang ang alam ng administrasyong ito, ngunit di kayang magbigay ng wasto at pangmatagalang solusyon. 

           Sa katagalan, kung pipilitin ibaba ang presyo ng bigas, magkakaroon ng problema sa demand at sa supply chain. Tataas ang demand sa ganoong uri ng bigas, ngunit bababa o maaaring magkaroon ng kakulangan sa suplay.

     Samantala, malulugi naman ang mga maliliit na retailer dahil ang ilan sa kanila ay nagbayad ng sobra para sa kanilang mga supply at mapipilitan na lamang na ibenta ang bigas sa presyong nabanggit. Ilan sa mga retailer ang mawawalan ng kita at ang iba ay maaring mawalan ng gana sa pagbebenta dahil dito.

May ayuda naman daw na nakalaan ang gobyerno para sa mga naapektuhang small retailers, na umaabot ito sa P15,000, pero magiging sapat ba ito? At paano naman ang mga maliliit na magsasaka? Pati sila ay apektado. Biruin niyo, ilan sa mga palay na binebenta nila sa mga wholesaler ng mura, tapos kapag nasa merkado na, naka cap man o wala, di pa rin sila makakabili, kasi mahal pa rin ito para sa kanila. 

Sinabi nga ni Joji Co, presidente ng Philippine Confederation of Grains Association, na dapat kalkulahin ng Department of Agriculture ang gastos ng produksyon ng mga magsasaka sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga pataba, krudo, at pesticides para mapag laanan din ng ayuda ang sektor na ito.

May magagawa pa ba?

Ang pagtatakda ng price cap ay panandaliang remedyo lamang sa isang malubhang sakit na hindi kayang patayin ng administrasyon. Paano ba naman kasi, ang sakit ay ang mismong administrasyon.

Hindi na sana tayo aabot sa sitwasyong ito kung mas pinaigting at pinalakas lang ang sektor ng agrikultura sa bansa at ang local na produksyon nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng patuloy na tulong sa makinarya, imprastraktura, sapat na patubig gayundin ang Agriculture Research and Development. Kahit na may isang senadora pa man, halimbawa, ang nagsabing ipatigil na ang mga 'research-research' na ‘yan, at isa sa mga dahilan na ang mga lupang sinasaka ay nagiging pabahay na siyang ikinayaman niya.

Ang Confidential and Intelligence Funds, kung hindi naman na pangatwiranan ng maayos sa Kamara ang mandato ng opisina nito, mahiya naman sana at bawasan nalamang ang idinemand na pondo para sa taong 2024 para madagdagan naman ang budget para sa mga magsasaka, o kung hindi man sa magsasaka, kahit sa edukasyon na lamang. 

Sa kabilang dako, mag-tatalaga sana ang gobyerno ng sekretarya sa Department of Agriculture ng hindi kung sino sino lang na hindi nakapag-aral sa larangan ng Agrikultura. Kung sino man ang kasalukuyang nakaupo, isuko niya na sana ang kanyang pwesto sa DA. May mas karapat-dapat naman na mas eksperto para rito. At sa halip na mag higpit sa presyo, dapat babaan ang taripa ng mga imported na agrikultural na produkto sa ngayong nagmamahal na pag-import ng bigas. Pero dapat di tayo umaasa sa mga imported na produkto. Ika nga, pagyamanin dapat natin ang sariling atin.

Gamitin na rin sana ng estado ang kanilang police power upang mahabol itong mga masasamang entidad na nagsasamantala sa pagtaas ng presyo ng bigas sa international market at pambansang pamilihan. Supilin na rin sana ang mga trading cartel na humahadlang sa pagbaba ng presyo sa kompetisyon sa merkado.

Hindi paman nangalalahati si Marcos sa kanyang termino marami na siyang nagawang ikinadismaya ng mga Pilipino, at isa ako sa dismayado. Hanggang dito na lang ba tayo?

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!