Noon nakaraang Enero, inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kick-off rally ng ‘Bagong Pilipinas’ na aniya’y magiging patutunguhan ng bansa sa ilalim ng kanyang administrasyon. Subalit kung mamarapatin, sa higit isang taon niyang pag-upo sa pwesto, ngayon pa lamang niya ilulunsad ang pagbabago taliwas na dapat noon pa lamang ginawa at hindi hinabilin sa mga pasilyo ng Malacañang. 

 

Layunin ng ‘Bagong Pilipinas’ na magkaroon ng maayos na pamamalakad sa gobyerno, pero sa anong katibayan at kasiguraduhan na ang pangakong ito ay hindi sa kanyang pansariling interest at para sa talaga sa benepisyo ng bawat Pilipino? Bilang isang anak ng bayan, mahirap itong asahan ano pa at ang kanyang pamumuno ay may bahid ng mapangahas na nakaraan at magulong kasalukuyan. 

 

Kaliwa't-kanan ang mapupuna sa administrasyong isinusulong ng Pangulo dahil sa patuloy na kabiguan ng kanyang mga pangako at plano na siyang inilahad niya noong panahon ng eleksyon.  Isa na rito ang kanyang pangakong ibababa sa bente-pesos na kilo ng bigas ay  mas naging triple pa rito ang naging presyo. Ang karapatan sana natin na magkaroon ng abot-kayang pamumuhay ay tila lalo lamang hindi na natin kayang abutin mula nang maupo sa pwesto ang pangulo. 

 

Mula rito, umusbong rin ang isyu sa pampublikong transportasyon na hindi lang presyo ng pamasahe ang tumaas bagkos ang presyo ng krudo na siyang lalong nag taas ng presyo ng mga pangangailangan. 

 

At kamakailan lang, ang lalong nagpasiklab ng dismaya ng lahat sa administrasyon ay ang pagsulong ng modernisasyon, na siyang pag alis sa mga tradisyonal na jeepneys. Na papalitan na ang modernong modelo. Wala naman sanang  tutol sa modernisasyon kung walang hanapbuhay na nadaganan, walang kabuhayan na tinanggal at walang mga pangarap ni pinapahirapan pa lalong abutin. Dumagdag pa ang pagsayaw ng Cha-Cha sa kongreso at ang di matapos-tapos na bangayan kasama ang mga Duterte. 

 

Ito na ba ang simula ng tinatawag nilang ‘Bagong Pilipinas’?  

 

Pamilyar hindi ba? Patuloy lamang tayong nililinlang na animo’y bagong simula kuno, subalit ang mga katagang ito ay anino ng nakaraan na siyang nagdulot ng dagok sa buhay ng mga Pilipino halos limang dekada na ang nakalipas. 

Ang bagong mukha ng gobyerno ay ang kanlungan ng Bagong Lipunan (New Society)  ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at ang mga legasiya ng kanilang pamilya na kaliwa’t kanan na isyu ng katiwalian, labis na panlalamang, pang-aabuso sa karapatang pantao at nagpabagsak ng ekonomiya ng bansa. Sa aking pagtanaw, tila ang pagbabagong nais ng administrasyon ay hindi ang pagsasaayos ng mga kapalpakan ng administrasyon bagkus ay ang pagbabago sa kasaysayan upang manipulahin at linlangin ang taong bayan sa mga sigalot na dulot ng kanyang pamilya—upang lalong makuha nila ang kapangyarihan at tayo ay patuloy na mahihirapan.

 

Hinggil sa patuloy na hinaharap ng bayan, lalong-lalo na sa sektor ng agrikultura na patuloy na binibigo ang mga magsasaka. Sa pangako ng Pangulo na pinangunahan niya ang paglutas sa mga problemang kinakaharap ng sektor. 

 

Subalit nang magkaroon ng usapin sa pagtaas ng presyo ng bigas, mga nasasayang na pananim at pahirapang pagbebenta nito sa merkado, walang Department of Agriculture Secretary ang humarap at nagsalita maging bilang isang pangulo man lang sana ay hindi ginawa ni Pangulong Marcos. At kalaunan ay nang hindi na nga mapanindigan ang mga salitang binitawan, ipinasa niya ang responsibilidad bilang kalihim ng agrikultura kay Francisco Tiu Laurel. 

 

Halos dalawang taon na mula nang matapos ang eleksyon, tanong ng bayan, ano nga ba ang totong plano ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, paglobo ng bilang ng mga nawalan ng trabaho, ang patuloy na sagupaan sa kanlurang bahagi ng karagatang ng Pilipinas at iba pang kinakaharap ng bansa?

Halos buwan-buwan na lamang humaharap ang  gobyerno ng kontrobersya pagkatapos ng kontrobersya, mula sa hindi siguradong solusyon na iminungkahi ng mga Senador at kongreso hanggang sa pagsisiyasat sa ICC ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.

 

Dumagdag pa rito ang pagbuwag ng tambalang Uniteam, na siyang ang pagtalikod ng  Marcos-Duterte tandem sa isa’t-isa, ang pagbatikos kaliwa’t kanan. Na pawang nagsi-batuhan ng kanya kanyang baho upang isalba ang kanilang mga pangalan. Kabalintunaan, isa sa mga pangunahing birtud kanilang isinulong sa kanilang kampanya ay ang 'Pagkakaisa', ngunit kahit iyon ay di nila kayang magawa?

 

Sa pangako ng 'Bagong Pilipinas' upang pagpapalakas sa ekonomiya, turismo at gobyerno ng bansa, ang kasalukuyang hinaharap ng administrasyon,  wala pa rin malinaw na solusyon na ibinigay at ang mga balita ng katiwalian mula sa iba't ibang ahensya ng gobyerno na nagsilabasan, maaaring bang magtanong: Bagong Pilipinas pa nga bang aasahan?

Oh baka naman, Bigong Pilipinas?

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!