Kung mayroon mang estereotipikal na pakahulugan sa pagiging payapa, ito ay ang pagtutumbas nito sa pananahimik at kawalan ng aksyon. Sa nagdaang mga taon, tila unti-unting nababaon, at ipinapabaon, sa limot ang tunay na diwa ng kapayapaan at pambansang kasaysayan. Patunay na rito ang mistulang sapilitang pagpapabilang ng EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) People Power Revolution sa mga naililihim na piraso ng kasaysayan, nang ibinura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makasaysayang araw sa listahan ng mga non-working holidays sa bansa sa loob na ng dalawang taon.

 

Ang EDSA People Power Revolution, na naganap noong ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero, taong 1986, ay isa sa mga pinakatanyag na kilusan ng bayan. Isinagawa ang nasabing rebolusyon sa pagnanais na mabigyang wakas ang diktaduryang pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na umiral sa loob ng 14 na taon (1972-1986). Ayon sa Amnesty International, sa mga taong ito, nakapagtala ng 70,000 kaso ng arbitraryong pagkakakulong, 34,000 biktima ng pang-aabuso at humigit-kumulang 3,200 kaso ng extrajudicial killings—isang mabagsik na pahiwatig at panawagan para sa tugon, galaw, o kilos mula sa taumbayan.

 

Sa kabila ng mapangahas na rehimen, isang mapayapang tugon ang isinagawa ng mga mamamayan laban dito—ang EDSA People Power Revolution. Iginiit ng Human Rights Foundation ang People Power Revolution bilang isang pamana ng kapayapaan at kalayaan para sa susunod na henerasyon. Sa kaganapang ito, isinilang ang isang kilusang kusang isinulong ng milyon-milyong Pilipino sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mapayapang martsa, pagbuo ng barikada sa gitna ng magkasalungat na puwersang militar, paghahandog ng bulaklak sa mga sundalo, at ang ‘di inaasahang pakikiisa ng ilang bahagi ng lakas-taong militar sa pag-aalsa, hanggang sa opisyal na napatalsik sa pwesto ang dating diktador ng bansa. Lahat ay patunay na ang kapayapaan at kalayaan ay makakamit  sa pagsasagawa ng nagkakaisang kilos. 

 

Bagaman hindi maitatanggi ang kasaysayang katuturan ng People Power Revolution, mahalagang tandaan na ang nagbigay-diwa sa kaganapan bilang isang mapayapang rebolusyon ay hindi lamang pawang kilos, kundi pati na rin ang layunin. Sa kasalukuyan, may umiiral na mga rally na ipinepresenta bilang kilos ng kapayapaan. Kabilang na rito ang National Rally for Peace 2025, at ang EDSA Shrine candle-lighting protest 2024 na isinagawa sa parehong lugar kung saan ginanap ang 1986 People Power Revolution. 

 

Ngunit, ang paggamit ng EDSA Shrine—isang lugar na sumisimbolo sa paglaban sa diktadura—upang ipahayag ang suporta sa isang lider na may mga ulat ng korupsyon, paglabag sa karapatang pantao, at pagtapak sa mga demokratikong institusyon ay tila isang kabalintunaan. Nararapat na bigyang-diin na ang People Power Revolution ay isang manipestasyon ng sama-samang adhikain ng taumbayan, hindi isang pakay ng pansariling interes o pagtatanggol sa isang personalidad. Samakatuwid, hindi ito basta-bastang naduduplika ng mapanlinlang na kilos-protesta.

 

Sa pagdiriwang ng ika-39 na anibersaryo ng People Power Revolution, mahalagang isaisip na hindi ito malilimot ng kasaysayan at lalong hindi maibubura ng sinumang may kapangyarihan. Hindi man idineklara bilang opisyal na non-working holiday ang EDSA People Power Revolution, malinaw na patuloy pa rin itong ginugunita ng mga paaralan, institusyon, organisasyon, at ng sambayanang Pilipino. Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS), mahigit 62% ng mga Pilipino ang naniniwalang mahalagang gunitain ang People Power Revolution bilang bahagi ng kasalukuyang natatamasang kalayaan. Ito ay nagsisilbing paalala na walang pagbubura sa kalendaryo ang makakapagbugaw sa tunay na kilusang pangkapayapaan. 

 

Ang EDSA People Power Revolution ay hindi lamang protesta, ito ay patunay na minsan nang inilahad ng mga mamamayan na isang estereotipo lamang ang ideyang ang pagiging payapa ay kawangis ng pananahimik. Sa pamamagitan ng mapayapang pag-aalsa sa EDSA, matagumpay na inilaban ng milyon-milyong Pilipino ang parehong karapatang pantao at kasarinlan ng bansa sa nagdaang henerasyon. Ngayon, sa isang bansang may higit 116 milyong mamamayan, panahon naman para sa kasalukuyang taumbayan na patuloy na isabuhay ang diwa, galaw, at sigaw ng demokrasya—hindi lamang tuwing anibersaryo ng paggunita, kundi sa araw-araw na pamumuhay bilang mga mamamayang malaya.

 

Tandaan: Gumagalaw ang kapayapaan, at sa bawat kilos nito ay mapapanatiling buhay ang kasaysayan. Kaya mahalagang isapuso na ang EDSA People Power Revolution, isang pambuong-piraso ng kasaysayan, ay hindi kailanman magagapi ng kahit anong panahon o puwersa.

Amaranth Online Newsletter

Be part of our awesome online community!