Hindi na nakapagtataka kung bakit nawala ang interes ng mga Viscans sa pagtakbo at paghawak ng liderato sa loob ng pamantasan. Hindi ito simpleng usapin ng kawalan ng kakayahan o pakialam kundi bunga ng matagal nang pagkadurog ng espasyo para sa makabuluhang pakikilahok, dulot ng mismong komunidad at institusyong inaasahang magtatanggol at kikilala sa kanilang boses.
Sa ganitong kalagayan, masisisi mo ba kung pinipili na lamang ng iba ang manahimik?
Ika-10 ng Abril noong inanusyo ng Student Election Board - Baybay (SEB-Baybay) na walang aplikante para sa taunang halalan ng University Supreme Student Council (USSC). Ito ay matapos nilang i-extend ang palugit sa pagtanggap ng nga aplikante.
Maraming nagulat pero hindi na ito bago. Naramdaman na ang panglalamig sa pakikilahok ng mga Viscan sa pulitikang pang-estudyante.
Mula sa USSC plebiscite na hindi nakaabot sa kinakailangang bilang ng boto, hanggang sa special elections na muling nagkulang sa partisipasyon, at ang pagbasag sa katahimikan ngayong walang kahit ni isang tumakbo para sa naturang halalan.
Madalas ibato sa mga mag-aaral ang akusasyon na mababa ang civic at political engagement sa pamantasan. Nakakadismaya, oo, ngunit higit sa lahat, kulang sa konteksto. Sapagkat paano mo hihikayatin ang partisipasyon kung ang mismong sistema ay tila nagiging mapanghimasok, mapanupil, at minsan pa nga’y mapanganib?
Hindi biro ang maging lider-estudyante. Kaakibat nito ang responsibilidad, oras, at emosyonal na pagod. Ngunit higit pa rito, kinakaharap ng mga nais tumindig ang matitinding personal na atake kagaya ng mapanirang komentaryo, at sa pinakamatindi, red-tagging na naglalagay sa kanilang seguridad sa alanganin.
Kagaya na lamang sa nangyari sa isinagawang mapayapang rally noong ipinagdiwang ang ika-40 taon ng Epifanio De Los Santos Avenue (EDSA) Revolution, kung saan maraming na-redtag. Pero hindi ito bago, sapagkat noon pa man, mabagal na tumugon ang pamahalaan sa oras na may inaaping mag-aaral.
Matatandaang na-redtag din ang mga mamamahayag ng Amaranth nang gumawa ito ng kartung pang-editoryal ayon sa pagdeklara ni Bise-Presidente Sara Duterte sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa susunod na halalan.
Isinumbong sa institusyon ang samu’t saring pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag, ngunit hanggang ngayon tila ang tugon ay nananatiling isang pangakong hindi kailanman darating.
Sa gitna ng lahat ng ito, nasaan ang ‘dear university’?
Sa halip na maging kanlungan ng malayang diskurso, tila naging bantay ito ng katahimikan. Ilang makabuluhan at politkal na programa na ang hindi natuloy, pinigilan sa ngalan ng pagiging “non-partisan.”
Ngunit kapansin-pansin ang selektibong aplikasyon nito sapagkat ang pagbati sa mga makapangyarihang politiko ay pinapayagan, tila ba’y may angking hiwaga ang kanilang mga kaarawan.
Hindi ito simpleng inconsistency, ito ay malinaw na anyo ng performative neutrality.
Agad agad na makikita ang presensya ng mga pulis na minsa’y kumukuha ng litrato sa mga politikal na programa sa loob ng pamantasan.
Mas lalong lumalala ang sitwasyon kapag ang mga mapayapang pagkilos ng mga estudyante ay tinutugunan ng presensya ng militar. Sa halip na dayalogo, ang sumasalubong ay surveillance. Ang ganitong kapaligiran ay hindi lamang nakakapanghina ng loob, ito ay aktibong nagpapababa ng partisipasyon.
Kaya kung may pag-aatubili man ang mga Viscans na tumakbo, hindi ito dahil wala silang pakialam. Ito ay dahil malinaw nilang nakikita ang mga panganib, ang kakulangan ng suporta, at ang tila kawalan ng espasyong tunay na makikinig sa kanila.
Masasabing hindi ito bago at dapat handa ang isang lider sa mga sitwasyong kagaya nito ngunit, ang mas nakababahala ay unti-unti nang tinatanggap ang ganitong kalagayan bilang normal.
Sa mga kapwa naming Viscan, hindi madali maging lider-estudyante lalo na sa sistemang ating ginagalawan. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang hirap na inyong daranasin sa kabila ng mga responsibilidad at tungkulin bilang mag-aaral.
Ngunit kung ngayon pa lang, sa kabila ng presensya ng mga handang tumindig, ay nananatiling mabigat at mapanupil ang kalagayan, ano na lang ang mangyayari kapag tuluyan nang walang maglakas-loob?
Kapag ang katahimikan ang nanaig, hindi ba’t mas lalo lamang lalakas ang sistemang matagal nang dapat pinapanagot?
Kung may dapat mang panagutin, hindi ang mga estudyanteng piniling umiwas, kundi ang sistemang paulit-ulit na nabigong protektahan at palakasin ang kanilang loob.
Sapagkat ano ang silbi ng isang pamantasang nagluluwal ng mga “graduates with advance knowledge and lifelong learning skills” kung ang mga ito’y hindi hinuhubog upang manindigan, maging mapanuri, at handang makialam sa lipunang kanilang ginagalawan.
Ang tunay na krisis ay hindi kawalan ng lider, kundi ang sistematikong pagpigil sa pag-usbong nito.
Dahil kung ang pamantasan ay tunay na tahanan ng malasakit at pakikilahok, hindi katahimikan ang dapat lumago, kundi mga boses na handang magtanong, manindigan, at kumilos.
Wala sanang sisihan, ngunit sa dulo, kailangan ding itanong: sino nga ba ang may pananagutan—ang mga ayaw tumindig, o ang sistemang marunong magpatikom ng loob bago pa man bumigkas ang bibig?